Tula♡
May Sasabihin Ako
Paano ba tapusin ang isang relasyon?
Sa problemang kailangan ng desisyon
Mahirap, malungkot, at masakit na mga reaksyon
Hindi ko pa alam ang solusyon.
Ayoko ng magkaroon ng kaibigan
Dati na kasi akong nasaktan
Pero nakilala ko ikaw at ang matalik mong kaibigan
Ako'y namangha sa inyong pagtuturingan.
Masaya akong kayo ay nakilala
At ikaw ang una kong mas nakasama
Ako ay naging bukas sayo sa aking mga problema
Takot man ako pero nakita kong ikaw ay kakaiba.
Ang magkaroon ng kaibigan
Yan ang aking muling sinubukan
Ako man ay kinakabahan
Tayo'y naging magkakaibigan.
Lumipas ang mga oras, minuto at segundo
Siya rin ay nakausap tumagal at natuto
Mas nasanay ako na siya ang kausap ko
Naging bukas din ako sa kanya katulad sayo.
Nakakausap kita at nakakausap ko rin siya
Wala namang problema noong una
Pero nang unti-unting tumagal na
Naramdaman kong may nag-iba na.
Akala ko ay okay pa
Tama pa ba o mali na
Maraming siguro at maraming baka
Nagtuloy-tuloy lang sa isang akala.
Naisip ko na hindi na tama ito
Naisip ko na ikaw dapat at hindi ako
Kasi ikaw yung pinaka-kaibigan at hindi ako
Kaya pinilit kong umiwas, yan ang totoo.
Maraming beses na ako rin ay sumuko
Kasi ikaw dapat at hindi ako
Pero maraming beses din akong nabigo
Kasi ikaw yun dapat at hindi ako.
Pinilit ko namang pigilan
Pinilit ko namang iwasan
Pinilit ko din namang sukuan
Pinilit ko din namang ayawan.
Pinilit ko sya na ikaw dapat
Ginawa ko naman ang lahat
Pero ito ay kulang at hindi sapat
Hanggang sa hindi ko na maawat.
Dahil gusto ko ay okay kayo
Dahil gusto ko ay okay tayo
Pero di maiiwasan na may magbago
At ito ang pinaka-ayaw ko.
Ayokong nasasaktan ka
Ayokong nalulungkot ka
Kasi ikaw yung masasabi kong tunay na kaibigan
Kasi ikaw yung nandun noong kailangan ko ng kaibigan.
Alam kong may mali ako
Alam kong may kasalanan ako
Dumadating yung lumuluha na ako
At nasabi mo pa sa akin na sasapakin mo.
Ang sama sama kong kaibigan
Kasi hindi ko na ito mapigilan
Kung ano-ano nang pumapasok sa aking isipan
Hindi ko maintindihan ang mga dahilan.
Hindi ko alam pero natatakot ako
At hindi ko alam ang gagawin ko
Masaya ako, hindi at oo
Hindi ko na alam ang totoo.
Nasasaktan ka ba?
Nasasaktan ba kita?
Hindi ko na alam ang aking ginagawa
Kasi hindi na tayo katulad ng dati na masaya
Pwede bang sabihin sa akin
Kung ano ang dapat kong gawin?
Pwede bang ako ay kausapin?
Magsabi ka lang at aking gagawin.
Sana maging okay tayo
Kasi nasasaktan din ako
Sabihin mo sa akin ang totoo
Tatanggapin ko ng buong-buo.
Sabihin mo lang sa akin at ititigil ko
Sabihin mo lang at gagawin ko
Nahihirapan at nalulungkot din ako
Umiiyak na lang ako ng bigla kaya patawarin mo ako.
Siguro kadramahan ko lang ito
Pero hindi ko ito gagawin kung hindi totoo
Gusto ko lang magpakatotoo
Ewan ko pero nahihirapan ako.
Baka may mawala na naman sa akin ng bigla
Baka hindi ko na naman ito makaya
Kasi sa pagpatak ng bawat luha
Baka may pagkakaibigan na masira.
Ako man ay nahihiya
Siguro naman may pag-asa pa
Mabalik ang dating sigla
Ng mga ngiti mo tuwing makikta
Siguro hindi mo alam ang aking sinasabi
Pero pwedeng alam mo rin kasi
Hindi na kasi ako makapagdesisyon
Hinahayaan ko na lang ang panahon.
Sana maayos at okay ka lang
Kung ayaw mo na sa akin, okay lang
Nandito pa rin ako lagi
Pwede mong makausap at pwede rin namang hindi.
Hanggang dito na lang muna
O hanggang dito na
Sana mabasa mo kahit mahaba
Ito dinaan ko na lang sa tula.
May sasabihin ako, huli na
Paano ba tapusin ang isang relasyon?
Pasensya na sa drama at problema
Hindi ko na kasi alam ang solusyon
Comments
Post a Comment