ESPADANG PAG-ASA
Sa mundong nababalot ng sakit at parusa
Yumayakap ang lungkot, takot at pangamba.
Sa mundong puno ng pagkakasala
Nagtatago ang tunay at totoong saya.
Sa ating buhay na protektado ng mga maskara
Nakapinta ang mga imahe ng hirap na hindi alintana.
Sa araw-araw na buhay na pagkakakulong sa tama
Nakaposas ang lihim na pag-ibig para sa isa’t-isa.
Pero sa pagpikit ng ating mga mata
Masayang lumuluha ang mukhang makikita.
At sa bawat pagmulat ng ating mga mata
Isang mapagpalang umaga ang bagong biyaya.
Kailangan natin ng isip na mapag-unawa
Kasama ng mga matang totoong nakakikita.
Kaagapay ng nakaririnig na mga tainga
At higit sa lahat ng matatabang pusong nakadadama.
Bukas na mga kamay at laging handa
Sa pagtulong ng bukal sa loob para sa kapwa.
At mga labi na larawan ng ngiti at ligaya
Salamin ang mga panalangin na ating sandata.
Walang hanggang pasasalamat at tiwala
Para sa mga taong hindi man natin kilala
Ay nag-aalay ng kanilang buhay para sa iba.
Sila ang nagsisilbing mga anghel sa lupa.
Sa likod at sa harap ng mga tawa
May tumutulong mabibigat na mga luha.
Humihiling na magkaroon ng isang himala
Na tayong lahat ay magiging malaya.
Sa susunod na kabanata ng ating bagong istorya
Ang pangako ng pagbabago para sa ating Ama.
At sa Inang Kalikasan hatid ay wastong alaga
Para sa kinabukasang may ginhawa at sagana.
Mga gulo at away ay dapat itigil na
Pagharap at paglaban sa trahedya ang mahalaga.
Saradong puso at isipan ay dapat buksan na
At ang susi ay kapayapaan at pagkakaisa.
Sa gitna ng giyera ay may malakas na pwersa
Mula sa isang nakakasilaw na espada.
Mabisang lunas ang isang bagong pag-asa
Mula sa ating pinakamamahal na Diyos Ama.
Comments
Post a Comment